Project Annihilate

Read… or die!

Bakit maari tayong maging si Ultraman?

Ipinaskil ni Zeno the Philosopher sa Hunyo 18, 2008

Marami na rin akong naisulat na mga artikulong naglalaman ng mga seryosong paksa tungkol sa estado ng Pilipinas, di alintana ang mga kakatwang pangyayari na dati ay sa mga kuwentong halaw lamang ng Bulgar ko nababasa. Ngayon hindi na nakagugulat na may mabasa o marinig na balitang tulad ng isang babaeng nagging lalaki at naging babae again, mga batang hindi pa man tinutubuan ng isang uri ng hair… sa kili-kili ay lumilipad na ang mga career sa pagsayaw at pagkanta, baboy na dalawa ang mukha, sanggol na dalawa ang kasarian at marami pang iba not to mention ang isang binabaeng pinasukan ng lata sa puwet, na ikinatuwa naman ng ilang nurses at duktor (ng medicine at test papers noong college) na lumimot na sa Hippocratic oath at kodigo etiko ng Pinipino, este ng Pilipinas. Ignorantia juris non excusat.

 

Whew! Ngayon ako ay kumbinsido na marami na palang posible sa panahon ngayon. Noong ako ay musmos pa lang lagi akong nangangarap ng imposible – ang maging isang sikat na artista, scientist, chess player, model ng briefs at maging si Ultraman.

 

Ngayong ako’y nagkaisip ng kaunti at tumanda nagsimula kong tantuin kung ano nga ba ang aking kalalagyan pagkatapos ng kolehiyo. Ang nangyari ay mas posible pa palang maging ako si Ultraman at model ng briefs na 3 for 100 sa palengke kaysa ang mamuhay ng sapat sa araw-araw.

 

Iyon nga. Ngayon ko lamang nalaman na problema na pala ang mamuhay sa araw-araw. Dati-rati’y malungkot ng malungkot na ako pakatapos ng bawat episode ng X-Men, walang kamuwang-muwang na ilang milyong mga Pilipino pala ang gumigising araw-araw upang harapin ang katotohanang sila’y mamomroblema na naman kung paano tatawirin ang araw na iyon.

 

Humigit kumulang animnapung porsyento (60%) ng mga Pinoy ngayon ay nakatatawid sa isang araw sa halagang isang dolyar o mas mababa pa sa limampung piso, ayon sa pinakahuling estadistika (statistics). Kung suwerteng napakasipag pa ng ulirang ama at ina na sanlansak na pawis at dugo na ang ibinubo sa loob ng kulambo upang sundan ang panglimang junior ay mas marami pang mga bibig na maghahati sa limampung piso.

Tsk, tsk, tsk. Kaya nga aking natagpuan na sa mga araw ngayon posible nang maging si Ultraman. Oo, ikaw at ako, kaya nating maging si Ultraman. Posible tayong maging mga superhero na makapagliligtas sa mga maralita at ulila, kung sisikapin nating huwag maging makasarili at sa halip ay maghandog ng bukas na palad sa ating mga mahihirap na kapwa. Bagama’t ako’y walang belt na umiilaw, mga matang daig pang headlights ng Volks at shark’s fin sa ulo maituturing ko na ang aking sarili na si Ultraman sa pamamagitan lamang ng pagtulong sa aking bayan. Higit sa lahat ito ay magsisilbing isang pagtupad sa isa ko pang lihim na pangarap na minsan akala ko imposibleng matupad; ang mapangiti ang lahat.

Mag-iwan ng Tugon

XHTML: Magagamit mo ang mga markang ito: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <pre> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>